paminsan-minsan, kahit ngayon, binubulong ng isip ko sa akin, na sana hindi na lang daw ako nabuhay sa mundo, dahil wala naman daw nakikinig sa akin. paminsan-minsan, kahit ngayon, kapag meron akong sinasabi, parang hangin lang ang kausap ko. parang kinakausap ko ang sarili ko na wala akong kaharap. para lang akong isang statwa, na nakatayo sa gitna ng maraming tao, na hindi naman ako naririnig o ayaw lang akong pansinin? maraming dumadaan sa harapan ko, lalake, babae, bata o matanda man, ngunit hindi nila ako binibigayan ng pansin. paminsan-minsan, kahit ngayon, ni-ngingitian ko yung mga dumadaan, pero walang bumabalik na ngiti sa akin.
paminsan-minsan, kahit ngayon, may hihinto nga, titignan ako ng ilang sekundo na parang wala naman nakikita at naririnig, pero bigla na lang tatalikod at iiwanan ako. paminsan-minsan, hanggang ngayon, nahihirapan ang damdamin ko.
paminsan-minsan, hanggang ngayon, nasa isang sulok lang ako na madilim, malungkot at may luha sa mga mata. binging-bingi na ako sa mga bulong ng isip ko, at hirap na hirap na ako sa pinararamdam ng damdamin ko. ang hiling ko lang sana, na dumating ang panahon na ako ay mapansin din. paminsan-minsan, kahit ngayon, tanong ko sa sarili ko, kung may nakakaintindi sa sinasabi ko. may nakakaintindi nga ba sa mga sinasabi ko? may umiintindi ba? sana may nakakaintindi sa sinasabi ko. at sana naman maintindi nila ako.
pero paminsan-minsan, kahit ngayon, iniisip ko, kung nakikita nila ako. nakikita nga ba ako o may nakakakita na ba sa akin? ikaw, nakikita mo ba ako? wala bang nakakarinig sa sigaw ko? wala ba kayong naririnig na sigaw? ikaw, naririnig mo ba ang sinisigaw ko?
kagaya ngayon, nakatayo ka lang sa harapan ko. hindi ko alam, kung narinig mo nga ang mga sinabi ko. hindi ko alam, kung naiintindihan mo nga ang mga sinabi ko. hindi ko din alam, kung nakikita mo nga ako. at hindi ko din alam, kung tatalikuran mo ako at iiwanan mo din ako. kaya ang tanong ko sa’yo, kung naririnig mo nga ba ako.
may nakakarinig ba sa akin? naririnig ba ninyo ako? ikaw, naririnig mo rin ba ako? may nakarinig na ba sa akin? ikaw, narinig mo na ba ako minsan?; ikaw, narinig mo na ba ako minsan? words by zantuangelo 10th of june, 2002
a person with considerable experience in a certain field is called...
Monday, June 10, 2002
Subscribe to:
Post Comments (Atom)
No comments:
Post a Comment